--Ads--

Nagpaigting ng pagbabantay at pagpapaalala sa publiko ang kapulisan sa Santiago City kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL Saturnino Soriano, Chief ng Community Affairs and Development Unit (CADU) ng Santiago City Police Office (SCPO), sinabi nito na patuloy ang kanilang monitoring sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang matiyak ang kaayusan at maiwasan ang anumang posibleng insidente na may kaugnayan sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

‎Ayon kay Soriano, pinaaalalahanan din ng kapulisan ang mga may-ari at operator ng mga gasoline station na tiyaking nasusunod ang tamang presyo at maayos ang operasyon ng kanilang mga establisyimento upang maiwasan ang anumang reklamo mula sa publiko.

‎Dagdag pa ng opisyal na patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod habang hinihikayat ang publiko na maging mapagmatyag at agad ireport sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

--Ads--