--Ads--

Paiigtingin ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang seguridad sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao sa darating na Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela PPO, sinabi nitong maglalagay ng police assistance desk sa bawat sementeryo sa kanilang nasasakupan, gayundin ng motorist assistance desk na maaaring lapitan ng mga motoristang nangangailangan ng tulong.

Mananatili rin ang mobile patrolling at anti-criminality checkpoints ng mga kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Isabela.

Ayon kay Topinio, mahigit 4,000 kapulisan ang ipakakalat sa buong lalawigan, kabilang ang mga tauhan ng kanilang mga katuwang na ahensya gaya ng Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, at iba pang concerned agencies at force multipliers.

--Ads--

Pinaalalahanan naman niya ang mga magtutungo sa mga sementeryo na huwag magdala ng mga deadly weapon o anumang matutulis na bagay, gayundin ng alak at mga maiingay na kagamitan gaya ng karaoke.

Pinayuhan din ang mga aalis ng kanilang bahay na suriing mabuti ang kanilang tahanan bago umalis upang maiwasan ang pagnanakaw at sunog.

Hinikayat din niya ang publiko na iwasang magdala ng mga mahahalagang gamit, maging alerto sa kanilang paligid, at agad na makipag-ugnayan sa mga kapulisan kung may mapansing kahina-hinalang kilos upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.