Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na isa pang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang inaresto matapos umanong mag-post ng mga video ng airstrikes sa social media.
Dagdag ito sa dalawang OFW na nauna nang hinuli sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa kahalintulad na mga paratang.
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, agad na humingi ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas ang OFW sa Saudi Arabia matapos ang kanyang pagkakaaresto.
Tiniyak ng DMW na magbibigay ang gobyerno ng tulong sa tatlong OFW na nahaharap sa kaso.
“We will help these 3 OFWs na humarap sa kanilang kaso, while they are incarcerated. We respect their laws, we respect their processes but we will provide for legal assistance. Libre po ang abugado na ibibigay natin sa kanila,” ani Olalia.
Binigyang-diin ng ahensya na iginagalang ng Pilipinas ang mga batas at legal na proseso ng mga bansang pinagtatrabahuhan ng mga OFW, ngunit patuloy itong maglalaan ng libreng legal assistance at iba pang suporta sa mga apektadong Pilipino.
Nagpaalala rin ang DMW sa mga Pilipino sa Middle East na iwasan ang pag-post o pagbabahagi ng mga video ng airstrikes at iba pang sensitibong pangyayari sa social media, dahil maaari itong lumabag sa lokal na batas at makaapekto sa seguridad ng mga bansang kanilang kinaroroonan.
Nauna nang kinumpirma ng Philippine Embassy na may dalawang OFW na nakadetine sa UAE dahil umano sa pag-post ng mga video ng missile attacks sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran, Israel, at United States.
Ayon sa embahada, naipagbigay-alam na sa mga pamilya ng OFW ang kanilang kalagayan at patuloy silang binibigyan ng updates at suporta, kabilang ang legal assistance.
Samantala, nagpadala na ang pamahalaan ng Pilipinas ng panibagong chartered flight patungong UAE upang tumulong sa repatriation o pagpapauwi ng mga OFW at iba pang Pilipinong naapektuhan ng lumalalang tensyon sa rehiyon.











