Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang limang Pilipinong tripulante ng Antigua-flagged bulk carrier M/V Inase matapos maapektuhan ng patuloy na pag-atake sa mga barko sa Black Sea, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Dumating ang mga tripulante sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Sabado, Agosto 1, kung saan sila sinalubong ni DMW Assistant Secretary Maria Regina Angela Galias kasama ang mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Manila International Airport Authority (MIAA) Medical Team, at kanilang manning agency.
Ayon sa DMW, tumulong ang Migrant Workers Office sa Bangkok upang maisaayos ang kanilang ligtas na pag-uwi sa bansa.
Nagbigay rin ang DMW at OWWA ng airport at financial assistance sa mga tripulante, habang isinailalim sila sa health assessment upang matiyak ang kanilang kalagayan matapos ang insidente.
Sakay ang limang Pilipino ng M/V Inase nang tamaan umano ng drone ang barko habang nakadaong sa Port of Pivdenny sa Ukraine.
Bilang bahagi ng kanilang reintegration at recovery, inatasan ng DMW ang manning agency ng barko na tiyaking sasailalim ang mga tripulante sa physical at psychological examinations, gayundin sa debriefing sessions.
Bago ang pagdating ng limang tripulante, pitong iba pang Pilipinong sakay ng barko ang nakauwi rin sa bansa sa magkakahiwalay na batch noong Biyernes.











