--Ads--

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na isasailalim sa quarantine sa Rotterdam, Netherlands ang 38 Pilipinong seafarers na sakay ng cruise ship na MV Hondius, matapos tamaan ng hantavirus ang barko bago sila pauwiin sa Pilipinas.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, apat na tripulante ang nauna nang inilipad patungong Netherlands nitong Mayo 10, habang 20 pa ang susunod na isasailalim sa proseso. Ang natitirang 14 na deck at engine crew ay sasabay sa paglalayag ng barko patungong Rotterdam.

Batay kay Health Secretary Ted Herbosa, tatagal ng 42 araw ang quarantine protocol at kailangang sumailalim sa testing ang mga seafarers bago payagang makauwi.

Tiniyak ng DMW na nasa maayos na kondisyon ang mga Pilipinong tripulante at nagnegatibo sa virus. Mananatili ring aktibo ang kanilang kontrata at patuloy silang makatatanggap ng sahod habang naka-quarantine, habang sasagutin ng may-ari ng barko ang lahat ng gastusin sa Netherlands.

--Ads--

Matatandaan na tatlo na ang nasawi sa outbreak sa barko, isang mag-asawang Dutch at isang German national. Ayon sa mga health officials, mababa ang panganib ng hantavirus sa pandaigdigang kalusugan at hindi ito katulad ng COVID-19 pandemic.

Kinumpirma rin ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang kaso ng hantavirus sa Pilipinas, at pinawi ang pangamba ng publiko na posibleng mauwi ito sa panibagong pandemya.