Nag-adjourn ang Senado para sa Lenten break nang hindi naipasa ang amendments sa Biofuel Law na certified as urgent ng Malacañang upang tugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng petrolyo.
Ayon sa mga senador, maraming miyembro mula sa mayorya at minorya ang nag-alala sa posibleng epekto ng panukala sa lokal na magniniyog, sugar farmers, ethanol producers, at biodiesel producers. Tinatayang aabot sa 400,000 na magsasaka ang maaaring maapektuhan, kaya’t binigyang-diin ang pangangailangan ng proteksyon at safeguards para sa kanila.
Naniniwala ang ilang senador na maliit lamang ang maibabawas sa presyo ng langis kung ipatutupad ang amendments, ngunit handa ang Senado na magdaos ng special session kung ipapakita ng mga pag-aaral na malaki ang benepisyo nito sa mga konsyumer.
Naunang sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang panukalang amendment sa Biofuel Law bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis. Pinapayagan nito ang Pangulo na umangkat ng biofuel components tulad ng bioethanol at biodiesel sa loob ng isang taon kung mas mataas ng 5% ang presyo ng blended fuels kumpara sa purong gasolina o diesel. Nakalaan ang kita mula sa taripa at buwis sa mga programang pang-sosyal para sa mga magsasaka at manggagawa sa domestic biofuels industry.











