Umabot na sa ₱60 kada kilo ang presyo ng imported rice sa Santiago City, partikular ang Special Rice Whole Grain at Double Diamond, na inaangkat mula sa bansang Vietnam.
Batay sa isinagawang price monitoring ng Bombo Radyo Cauayan, ang presyo ng lokal na well-milled rice ay nasa ₱50 hanggang ₱58 kada kilo.
Ayon sa mga rice retailers, tumaas ng ₱100 ang kanilang binabayad sa mga supplier mula sa Santiago City, Cabatuan, at Alicia, Isabela. Dagdag pa rito, nagdagdag sila ng ₱2 sa retail price ngayong buwan ng Marso.
Ilan sa mga nakikitang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas ay ang limitadong suplay na dumarating sa merkado, pagtaas ng puhunan sa pagbili ng suplay, at ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nakaaapekto sa transportasyon at delivery ng bigas, lalo na sa imported rice.
Ayon sa mga mamimili, umaasa silang bababa muli ang presyo ng bigas sa mga susunod na linggo upang mas maging abot-kaya ito sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.





