Ipinahayag ng embahada ng China kahapon na handa itong muling simulan ang negosasyon para sa posibleng joint oil and gas exploration kasama ang Pilipinas sa South China Sea, basta’t may “sincerity” o taos-pusong hangarin ang inisyatiba.
Ayon sa pahayag ng embahada, nagkaroon na ng malalim na talakayan ang dalawang bansa hinggil sa naturang proyekto at nakapagtala ng “positibong progreso.”
Sinabi ng Malacañang na palaging tapat ang Pilipinas sa mga negosasyon. Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, “Walang lihim na kasunduan. Kung ano man ang magiging resulta ng negosasyon, basta’t makabubuti sa bansa, hindi ito tututulan ng Pangulo.”
Dagdag ni Foreign Affairs Secretary Tess Lazaro, wala pang kasalukuyang joint exploration sa China, ngunit bukas ang posibilidad na ito’y mangyari.
Noong Hunyo 2022, inanunsyo ni dating Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na tuluyan nang tinapos ng Pilipinas ang mga pag-uusap ukol sa joint energy exploration dahil sa mga limitasyong konstitusyonal at usapin ng soberanya.
Kamakailan, sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam na bukas siya sa muling pag-uusap ukol sa proyekto.
Samantala, sa Paris Defense and Strategy Forum 2026, nanawagan si Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ng mas malawak na kooperasyong pangseguridad sa pagitan ng Europa at Asya, at binatikos ang China sa umano’y paglabag sa pandaigdigang batas pandagat.









