Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang namonitor na paglipad ng isang Chinese H-6 strategic bomber plane sa bahagi ng West Philippine Sea, nasa layong 170 nautical miles mula sa Metro Manila.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nagpapakita umano ito ng pagpapalawak ng kakayahan ng People’s Liberation Army (PLA), dahil mula sa dating paglipad malapit sa mainland China ay umaabot na rin ang kanilang bomber planes sa karagatang malapit sa Pilipinas.
Sinabi ni Trinidad na pinakamalapit na naitala ang naturang eroplano sa layong 45 nautical miles mula sa teritoryo ng Pilipinas.
Gayunman, wala aniyang nakitang indikasyon na nagsasagawa ang nasabing bomber plane ng pagsasanay para sa missile attack.
Naniniwala rin si Trinidad na bahagi lamang ito ng regular na pagpapatrolya ng China, na dati na ring isinagawa sa paligid ng Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Samantala, sinabi ng opisyal na dahil sa patuloy na modernization ng AFP, mas napabuti na ang kakayahan nitong mamonitor ang mga dayuhang eroplano bago pa man makapasok ang mga ito sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Matatandaang patuloy na iginigiit ng China ang pag-aangkin nito sa malaking bahagi ng West Philippine Sea, sa kabila ng pag-angkin din dito ng Pilipinas.











