Nagdeploy ng karagdagang pwersa ang Cauayan City Police Station upang magbantay sa kasagsagan ng Gawagaway-yan Festival at Cityhood Anniversary ng Cauayan, na opisyal nang nagsimula ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Avelino Canceran Jr., Chief of Police ng Cauayan City Police Station, mahalaga ang karagdagang pulisya upang masiguro ang seguridad ng mga bisita at residente na dadalo sa iba’t ibang programa at aktibidad na inihanda ng pamahalaang lungsod para sa ika-25 anibersaryo ng pagiging lungsod ng Cauayan.
Aniya, nasa 65 personnel ang ipinadala bilang augmentation mula sa Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) at Isabela Police Provincial Office (IPPO). Kasama sa kanilang responsibilidad ang traffic management, crowd control, at pagbabantay sa seguridad ng mga venue kung saan gaganapin ang mga selebrasyon, kabilang ang mga parada, cultural shows, at iba pang community activities.
Dagdag pa ng hepe ng pulisya, mahigpit ang pagbabantay sa mga pampublikong lugar at may mga checkpoint upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Pinayuhan din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad, sundin ang mga paalala sa kaligtasan, at i-report agad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.











