--Ads--

Pinayagan ng Maritime Industry Authority (Marina) ang mga lokal na shipping lines na magtaas ng pasahe at cargo rates ng hanggang 30 porsyento.

Gayunman, nilinaw ng ahensya na hindi saklaw ng 30% adjustment ang mga produktong agrikultural at iba pang pangunahing bilihin. Para sa mga ito, mananatili ang 20% limitasyon na nakabatay sa pagtaas ng presyo ng langis.

Nagpaalala ang Marina na bago ipatupad ang dagdag-singil, kailangang ipaalam ng mga operator sa publiko at sa ahensya tatlong araw bago ang bisa ng adjustment. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng publikasyon sa pahayagan o paglalagay ng abiso sa mga pantalan, barko, opisina ng kumpanya, terminal, ticketing offices, at opisyal na website o social media accounts.

Kung bumaba naman ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, obligadong magpatupad ng katumbas na pagbaba ng pasahe at cargo rates ang mga operator sa loob ng tatlong araw.

--Ads--

Nagbabala ang Marina na ang mga lalabag sa patakaran at maniningil nang lampas sa itinakdang rate adjustment ay mahaharap sa administrative fines at sanctions.