--Ads--

Kinuwestiyon ni Senador Erwin Tulfo ang umano’y kapabayaan ng Atienza Interisland Shipping Lines sa mga pamilya ng mga nasawi at nakaligtas sa sunog ng MV June Aster na ikinasawi ng hindi bababa sa 77 katao.

Sa kanyang talumpati sa Senado, sinabi ni Tulfo na nakatanggap siya ng mga ulat na umano’y iniwan ng kumpanya ang mga naulilang pamilya at mga survivor, kung saan kulang pa umano ang naibigay na tulong upang matustusan maging ang kanilang pamasahe pauwi.

Ayon sa senador, mismong mga nakaligtas at kanilang mga kamag-anak ang nagsumbong na wala na umanong pakialam ang shipping company sa kanilang kalagayan matapos ang trahedya.

Kinuwestiyon din ni Tulfo kung sapat ang emergency response equipment na sakay ng barko, kabilang ang mga high-powered flashlight, at kung nasunod ang lahat ng safety at security protocols lalo na sa paghawak ng mga kargamento at iba pang posibleng mapanganib na materyales.

--Ads--

Nagpahayag din siya ng pagdududa sa katumpakan ng passenger manifest ng barko, na aniya’y maaaring makaapekto sa pagtukoy sa aktuwal na bilang ng mga nawawala.

Iginiit ni Tulfo na hindi lamang pag-alam sa sanhi ng sunog ang mahalaga kundi ang pananagutan para sa mga buhay na nawala dahil sa umano’y kapabayaan.

Dahil dito, nanawagan siya ng mas mahigpit na mga polisiya kabilang ang digitalization ng passenger records at pagpapalakas ng maritime safety protocols upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.

Samantala, wala pang pahayag ang Atienza Interisland Shipping Lines kaugnay sa mga alegasyon.