Inihayag ng Malacañang na magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa Myanmar kasunod ng pagkahalal kay Min Aung Hlaing bilang bagong pangulo ng naturang bansa.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na ipagpapatuloy ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ang pakikipagkonsultasyon sa Myanmar bilang Special Envoy ng ASEAN Chair para sa naturang bansa.
Ayon sa pahayag, nananatiling committed ang Pilipinas sa pagsuporta sa kolektibong hakbang ng ASEAN, at hinihikayat ang pagpapaigting ng implementasyon ng Five-Point Consensus. Kabilang dito ang pagtigil ng karahasan at pagpapabilis ng paghahatid ng humanitarian assistance sa mamamayan ng Myanmar.
Samantala, nahalal bilang pangulo ng Myanmar si junta chief Min Aung Hlaing matapos ang isinagawang botohan sa parlamento.
Nakakuha si Min Aung Hlaing ng 429 boto, laban sa 126 boto ng katunggali niyang si retiradong heneral na si Nyo Saw.








