Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating senator Francis Tolentino bilang acting secretary ng Department of Labor and Employment (DOLE), ayon sa inanunsyo ng Malacañang nitong Lunes.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, naniniwala si Pangulong Marcos na may kakayahan at malawak na karanasan si Tolentino sa pamahalaan kaya nito mapamunuan ang DOLE.
Sinabi rin ni Castro na ang kalagayan sa kalusugan ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang dahilan kung bakit kinailangang magtalaga ng bagong acting labor secretary.
Nakatakdang manumpa si Tolentino sa harap ng Pangulo ngayong Lunes ng hapon sa Malacañang.
Matatandaang tumakbo si Tolentino para sa reelection noong 2025 senatorial elections ngunit natalo.
Noong mahalal siyang senador noong 2019, pinamunuan niya ang Senate Committee on Local Government at Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement.
Nagsilbi rin siyang presidential adviser on political affairs mula 2017 hanggang 2018 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ito, naging chairman siya ng Metropolitan Manila Development Authority mula 2010 hanggang 2015 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Tatlong magkakasunod na termino rin siyang nagsilbing alkalde ng Tagaytay City mula 1995 hanggang 2004.
Samantala, sinabi rin ni Castro na wala pang natatanggap na kumpirmasyon ang Malacañang kung babalik sa puwesto si dating DILG Secretary Benhur Abalos upang palitan si kasalukuyang kalihim na si Jonvic Remulla sa Department of the Interior and Local Government.











