--Ads--

Patuloy na pinapasan ng mga tsuper ng pampublikong transportasyon ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, na nagpapahirap sa kanilang araw-araw na pamamasada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Guillermo Saccolas, isang tsuper, bukod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, kailangan pa nilang maglaan ng karagdagang gastos tulad ng terminal fee na umaabot sa ₱150 para sa mga bumibiyahe sa bayan ng Roxas at Cauayan.

Aniya, malaki ang kabawasan sa kanilang kita, lalo na’t hindi tumataas ang pamasahe kasabay ng pagmahal ng langis.

Dahil dito, napipilitan ang ilang driver na magtipid, kahit sa pagkain. Sa halip na kumain sa karinderya, mas pinipili nilang magbaon upang makatipid, lalo pa’t tumataas din ang presyo ng mga bilihin.

--Ads--

Ibinahagi rin niya na sa kabila ng maghapong pamamasada, umaabot lamang sa ₱200 hanggang ₱300 ang naiuuwing kita ng ilan sa kanilang mga kasamahan, lalo na ang mga nagba-boundary, matapos ibawas ang lahat ng gastusin tulad ng diesel, boundary fee, at iba pang bayarin.

Halos hindi na umano sapat ang kita upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Nananawagan ang mga tsuper sa kinauukulan na magpatupad ng hakbang upang maibsan ang kanilang pasanin sa mataas na presyo ng petrolyo.