--Ads--

Aprubado na ng Sangguniang Panlungsod ang pagtaas ng minimum fare ng mga tricycle sa lungsod ng Cauayan mula ₱20 patungong ₱25.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rolando Lanuza, Vice President ng UTODACC sa lungsod, sinabi nitong napagkasunduan ang fare increase matapos ang isinagawang pulong ng konseho kasama ang mga tricycle driver at iba pang sektor.

Ayon kay Lanuza, ipatutupad ang ₱25 na minimum fare partikular sa mga biyahe sa poblacion bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na labis na nakaaapekto sa kanilang hanapbuhay.

Dagdag pa niya, may kasunduan na sakaling bumaba ang presyo ng langis ay maaari ring ibalik ang pamasahe, subalit iginiit nito na mas mainam kung sa ₱20 na lamang ito ibababa at hindi sa dating ₱15 upang kahit papaano ay makabawi ang mga driver.

--Ads--

Sa ngayon, wala pang opisyal na anunsyo mula sa lokal na pamahalaan kung kailan tuluyang ipatutupad ang bagong minimum fare, subalit aminado si Lanuza na may ilang driver na ang nagsimulang maningil ng ₱25.

Nilinaw rin nito na maaari pa ring magkasundo ang driver at pasahero sa pamasahe lalo na kung mas mahaba ang biyahe.

Giit ng hanay ng mga tricycle driver, kinakailangan ang pagtataas ng pamasahe upang makasabay sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin.