--Ads--

Isang siyam na taong gulang na batang babae ang umani ng atensiyon online matapos nitong matagumpay na mabuhat ang 180 pounds na barbell—katumbas ng halos tatlong beses ng kanyang sariling timbang.

Kinilala ang bata na si Lucy Milgrim, na may timbang na humigit-kumulang 60 lbs. Bukod sa weightlifting, nagsasanay rin umano siya sa professional wrestling at regular na bumibisita sa gym hanggang limang beses sa isang linggo. May hawak na rin siyang tatlong record sa ilalim ng USA Powerlifting organization.

Mas lalong naging viral si Lucy nang kumalat ang video ng kanyang maayos na pagbuhat ng 180 lbs na barbell sa harap ng mga manonood sa Arnold Sports Festival sa Columbus, Ohio. Ayon sa kanyang ama na si Brett, nagsimula umano ang interes at kakayahan ni Lucy sa pagbubuhat noong toddler pa lamang ito, matapos gumaya sa kanilang pag-eehersisyo sa bahay.

Gayunman, kasabay ng paghanga ay ang pagdami rin ng mga puna at pangamba mula sa netizens. Iginiit ng ilan na maaaring hindi pa handa ang katawan ng isang siyam na taong gulang para sa ganitong uri ng mabigat na pagsasanay.

--Ads--

Partikular na binanggit ng ilang komento ang posibleng epekto nito sa tinatawag na growth plates—mga bahagi ng buto na mahalaga sa paglaki ng bata na maaaring maapektuhan kapag nasobrahan sa bigat o maling porma ang pagbubuhat. Mayroon ding nagbabala tungkol sa iba pang posibleng pinsala kung hindi ito ginagabayan ng tamang training at supervision. Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang pamilya Milgrim hinggil sa mga naturang batikos at babala mula sa publiko.