--Ads--

Nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian nitong Huwebes na posibleng magsagawa ng imbestigasyon ang Senado kung hindi agad maipapakita sa lokal na merkado ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Si Gatchalian, na namumuno sa bagong tatag na Senate committee on proactive response and oversight for timely and effective crisis strategy (PROTECT), ay nagsabing mahigpit na binabantayan ng mga regulator ang paggalaw ng presyo ng krudo sa international market. Ngunit kung hindi ito agad maipapasa sa lokal na presyo, maaaring magsimula ng pagdinig ang Senado.

“Kapag tumaas ang presyo sa international market, kaagad tumataas dito. Pero kapag bumababa, parang mabagal ang pagbaba. Hindi pwedeng tanggapin lang natin ito,” ani Gatchalian.

Hinimok niya ang Department of Energy (DOE) na tiyakin na ang mga pagbabago sa presyo ng gasolina ay nakaayon sa galaw ng pandaigdigang merkado, at nagbabala na maaaring patawan ng parusa ang mga kompanya kung hindi susunod.

--Ads--

“Kapag hindi bumaba, dapat parusahan. Iimbestigahan namin ito,” dagdag pa niya.

Ayon sa ulat, bumaba na ang presyo ng langis mula mahigit $110 kada bariles tungo sa humigit-kumulang $93 matapos humupa ang tensyon sa Gulf Region. Gayunpaman, sinabi ni Gatchalian na hindi pa lubos na nararamdaman ng mga motorista sa Pilipinas ang epekto nito.

Binanggit din niya ang mga kakulangan sa kasalukuyang oil deregulation framework na naglilimita sa kakayahan ng pamahalaan na masuri nang husto ang presyo.