Posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng diesel sa susunod na linggo, ang kauna-unahan sa mahigit tatlong buwan o mula pa noong Disyembre 30, 2025.
Ayon sa isang source sa industriya, inaasahang bababa ang presyo ng diesel ng P2.50 hanggang P3.50 kada litro matapos ang limang sunod-sunod na pagtaas na dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.
Samantala, maaaring manatiling hindi magbago ang presyo ng gasolina o kaya’y bumaba ng hanggang P1 kada litro.
Batay ang mga pagtatayang ito sa unang tatlong araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore (MOPS). Gayunman, maaari pang magbago ang presyo dahil may natitira pang dalawang araw ng trading.
Ayon sa source, bumaba ang presyo ng MOPS at premiums dahil sa kasunduang tigil-putukan sa Gitnang Silangan, bagama’t may bahagyang pagtaas na muli batay sa pinakahuling projections.











