Mas paiigtingin ng mga awtoridad ang paggamit ng K9 units sa inspeksyon ng mga parcel at courier services sa lalawigan ng Isabela upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng ilegal na droga.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela, layunin ng hakbang na ito na mapalakas ang kakayahan ng mga awtoridad sa pagtukoy ng presensya ng ilegal na droga sa mga ipinapadala at natatanggap na mga package, lalo na’t patuloy na ginagamit ng mga sindikato ang mga delivery parcel bilang modus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Intelligence Agent 5 Jojo Gayuma, Provincial Officer ng PDEA Isabela, sinabi niya na malaking tulong ang K9 units dahil mas mabilis at mas epektibo nilang natutukoy ang mga kahina-hinalang parcel.
Kinumpirma rin ng mga otoridad na dumarami ang kaso ng paggamit ng ganitong pamamaraan, kung saan itinatago ang mga ipinagbabawal na gamot sa loob ng mga parcel upang makalusot sa inspeksyon.
Dagdag pa ng PDEA, mayroon pang mga patuloy nilang binabantayang kahina-hinalang aktibidad na gumagamit ng parehong modus sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.
Kaugnay nito, isang indibidwal ang nadakip kamakailan sa Cauayan City na pinaniniwalaang sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga gamit ang mga delivery parcel na isang operasyon na resulta ng pinaigting na monitoring sa mga courier services.









