Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng detalyadong breakdown ng presyo ng kanilang mga produkto, matapos umabot sa P170 kada litro ang halaga ng premium diesel at kerosene.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, may legal na batayan ang utos mula sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa 2019 circular ng DOE hinggil sa unbundling ng fuel prices.
Dagdag pa niya, nasa ilalim ng state of national energy emergency ang Pilipinas kaya’t mas lalong kailangan ang transparency.
Binalaan ng DOE na maaaring kanselahin ang permit ng mga kumpanya na hindi magsusumite ng unbundled prices, lalo na kung walang sapat na dahilan.
Sa datos ng Global Petrol Prices, mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas kumpara sa karamihan ng bansa. Sa nakalipas na tatlong buwan, tumaas ng 135% ang diesel at 61.5% ang gasolina—pang-apat na pinakamabilis sa buong mundo.
Samantala, sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo na ipatatawag ng Kamara ang mga kumpanya ng langis upang ipaliwanag kung bakit halos sabay-sabay ang galaw ng kanilang presyo sa kabila ng deregulated market.
Sa pagdinig ng House panel, binanggit ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na sa mga merkadong may kakaunting players, natural na magkapareho ang galaw ng presyo, ngunit dapat pa ring masusing imbestigahan ng regulators.
Kaugnay nito iginiit ng Bayan Muna sa pamumuno ni Neri Colmenares na obligahin ang oil companies na i-unbundle ang presyo ng kanilang produkto. Aniya, hindi sapat na sabihing “market forces” lamang ang batayan ng presyo dahil kasama rin dito ang suweldo ng mga top executives at profit margins ng kumpanya.
Sa desisyon ng Korte Suprema, binigyang-diin na ang breakdown ng pump prices ay usaping may “public interest,” ngunit mananatiling protektado ang trade secrets mula sa publikong paglalabas.











