Hinihintay pa ng ilang LPG dealer sa Cauayan City ang kumpirmasyon mula sa kanilang mga supplier bago ipatupad ang inanunsyong ₱2 rollback kada kilo ng Liquefied Petroleum Gas o LPG ngayong Nobyembre 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Robinson Calderon, isang LPG dealer sa lungsod, sinabi nitong nakipag-ugnayan na siya sa kanilang warehouse ngunit wala pa silang natatanggap na opisyal na abiso tungkol sa bagong presyo.
Bagama’t nakita na niya sa social media ang anunsyo ng naturang bawas-presyo, kailangan pa rin umano nilang hintayin ang kumpirmasyon ng supplier bago ito ipatupad sa kanilang tindahan.
Tiniyak naman ni Calderon na agad nilang ia-adjust ang presyo sa oras na matanggap ang opisyal na abiso upang maipasa sa kanilang mga customer ang benepisyo ng rollback.
Samantala, kabilang sa mga nakaaapekto sa presyo ng LPG ang pagbabago sa international contract prices at iba pang gastusin sa pagkuha at distribusyon ng produkto.











