Posibleng makaranas ng panibagong malakihang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo, partikular sa diesel, ang mga motorista sa susunod na linggo.
Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw at sa average foreign exchange, sinabi ng isang source mula sa industriya ng langis na maaaring bumaba ang presyo ng diesel at gasolina, kung saan tinatayang:
Diesel: P17.00 hanggang P19.00 kada litro
Gasolina: P2.00 hanggang P3.00 kada litro
Ang MOPS ay ang arawang average price assessment para sa mga refined petroleum products tulad ng gasolina at diesel sa Singapore, na itinuturing na pangunahing sentro ng oil trading sa Asya.
Ayon naman sa Department of Energy (DOE), mula pa noong Miyerkules ay inaasahan na ang panibagong rollback sa presyo ng langis sa susunod na linggo. Wala umanong malaking epekto sa international oil market ang banta ni US President Donald Trump na haharangin ang pagbubukas ng Strait of Hormuz, kasunod ng kabiguan ng unang pag-uusap sa Tehran na naglalayong tapusin ang tensyon sa Middle East.
Tuwing Lunes ina-anunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na galaw sa presyo, na ipinatutupad naman kinabukasan ng Martes.
Sa kasalukuyang linggo, nagpatupad na ng rollback ang mga oil companies: P4.00 hanggang P6.50 kada litro sa gasolina, P20.00 hanggang P23.00 sa diesel, at P8.50 hanggang P11.50 sa kerosene.











