Sugatan ang isang 69-anyos na guwardiya matapos pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Panganiban Street, Centro East, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Police Station 1, naganap ang insidente bandang alas-7:30 ng gabi nang kararating pa lamang ng biktima sa kanyang itinalagang duty post nang bigla itong lapitan at walang habas na pinagsasaksak ng suspek na wala umanong malinaw na motibo.
Nagtamo ang biktima ng matitinding sugat sa ibabang bahagi ng likod, dibdib, at kaliwang kamay na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Ayon pa sa pulisya, bandang alas-8:00 ng gabi nang maiparating sa kanila ang insidente sa pamamagitan ng tawag mula sa isang concerned citizen, na agad nilang tinugunan.
Kaagad na isinugod sa ospital ang biktima upang mabigyan ng kaukulang lunas, habang mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang kutsilyo na pinaniniwalaang ginamit sa karumal-dumal na pananaksak.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang masinsinang imbestigasyon at manhunt operation ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at agad na madakip ang suspek.
--Ads--











