Walong katao ang nasugatan sa pananaksak sa loob ng isang supermarket sa Incheon, South Korea nitong Martes, kabilang ang isang babaeng nasa edad 20 na nakaranas ng cardiac arrest, ayon sa pulisya.
Agad na inaresto ng mga awtoridad ang lalaking suspek na iniimbestigahan na kaugnay ng motibo at mga pangyayari sa likod ng insidente.
Batay sa salaysay ng isang saksi na iniulat ng Yonhap News Agency, tila may mga kutsilyong nakatali sa magkabilang kamay ang suspek habang naglalakad sa ilang palapag ng shopping complex at nananaksak ng mga taong nadaraanan nito.
Nasupil umano ang suspek sa tulong ng mga bystander bago ito ipinasa sa pulisya.
Ayon sa mga ulat ng South Korean media, nasa edad 60 ang suspek at nakasuot ng electronic monitoring ankle bracelet.
Kabilang sa mga nasugatan ang anim na babae at dalawang lalaki.
Ang Incheon ay matatagpuan sa kanluran ng Seoul at bahagi ng mas malawak na metropolitan area ng kabisera ng South Korea. Niyanig na rin ang bansa ng sunod-sunod na pananaksak noong 2023 na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang tao.











