--Ads--

Pinaigting ng Santiago City Police Office o SCPO ang pagsasagawa ng lectures, seminars at information dissemination sa mga paaralan kasunod ng deadly school shooting sa South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Arnel Bautista, hepe ng City Community Affairs and Development Unit ng SCPO, sinabi niyang mas madalas na ngayon ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan upang maiwasan ang pag-uulit ng kahalintulad na insidente.

Ayon kay Bautista, layunin ng mga lecture na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga estudyante tungkol sa mga batas at krimeng dapat nilang iwasan, gayundin sa mga panganib na maaari nilang makaharap sa loob at labas ng paaralan.

Itinuturo rin sa mga kabataan ang mga nararapat gawin at kung paano dapat tumugon kapag may insidente ng pamamaril o iba pang uri ng karahasan sa paaralan.

--Ads--

Pinuri naman ni Bautista ang mga paaralan sa Santiago City dahil aktibo na mismo ang mga ito sa pakikipag-ugnayan sa pulisya para humingi ng assistance at magsagawa ng mga information drive para sa kanilang mga estudyante.

Hinimok din niya ang mga mag-aaral na makipagtulungan sa mga guro, magulang at awtoridad at agad i-report ang anumang kahina-hinalang kilos o banta upang maagapan ang posibleng insidente.

Pinaalalahanan din ni Bautista ang mga mag-aaral na huwag subukan o gumamit ng anumang uri ng ilegal na droga, dahil maaari itong makasira sa kanilang pag-aaral, kalusugan at kinabukasan.

Hinikayat niya ang mga kabataan na umiwas sa mga bisyong maaaring mauwi sa krimen at iba pang problema, at sa halip ay makinig sa payo ng kanilang mga magulang, guro at mga awtoridad.