Ipinakita ng Isabela State University (ISU) at iba pang mga kolehiyo sa rehiyon ang kahandaan at husay ng kanilang mga kadete sa isinagawang Regional Annual Administrative and Tactical Inspection (RAATI) para sa School Year 2025–2026 nitong Abril 23.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Boyet Batang, President ng ISU, sinabi niya na layunin ng RAATI na pagtibayin ang kahusayan sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at palakasin ang partisipasyon ng kabataan sa mga programa para sa pambansang depensa.
Ayon kay Dr. Batang, lumahok sa aktibidad ang iba’t ibang yunit ng ISU kabilang ang Echague campus at mga kaakibat nitong kampus gaya ng ISU Jones, ISU Angadanan, at ISU Santiago Extension, kasama rin ang Quirino State University at Northeastern College.
Ipinaliwanag niya na ang RAATI ay taunang isinasagawa upang masukat ang administrative management, tactical proficiency, at overall readiness ng mga ROTC unit alinsunod sa pamantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang sa mga isinagawang pagsusuri ang drill test, theoretical test, at field test upang masukat ang disiplina, kaalaman sa military principles, at kakayahang taktikal ng mga kadete.
Tampok din sa aktibidad ang fancy drill na nagpapakita ng koordinasyon, precision, at teamwork ng mga kalahok.
Dagdag pa ni Dr. Batang, layunin ng ROTC program na ihanda ang mga estudyante sa posibleng serbisyo sa Philippine Army sa panahon ng national emergency at malinang ang kanilang liderato bilang mga susunod na opisyal ng sandatahang lakas.
Sinabi rin niya na nakaantabay ang mga rescue team, bombero, at medical personnel kabilang ang mga estudyante mula sa College of Nursing, gayundin ang Civic Welfare Training Service (CWTS) at Literacy Training Service (LTS) upang matiyak ang kaligtasan sa buong aktibidad.
Samantala, kasabay nito ay isinasagawa rin ang Student Festival o Student Week sa buong ISU system na tatagal hanggang Biyernes, kung saan inaanyayahan ang publiko na bumisita at makibahagi sa iba’t ibang aktibidad na inihanda ng mga estudyante.










