Kabahagi ang 503rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa ginaganap na Balikatan Exerices sa Pilipinas katuwang Estados Unidos, at iba pang kaalyadong bansa gaya ng Japan, Canada, France, Australia, at New Zealand.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bgen. Rhenante Salvador, Commander ng 503rd IB, sinabi niya na ang Balikatan Exercise ay bahagi ng tinatawag na SABAK o Salaknib Balikatan na nagsimula noong ika-20 ng Abril na magtatagal hanggang ika-8 ng Mayo.
Ang 5th Infantry Division na kinabibilangan ng 503rd IB ay kabilang sa training audience ng Balikatan kung saan ang naturang brigade ang naatasang maging command in control sa lahat ng kapwa kasapi nito sa dibisyon.
Ayon kay BGen. Salvador, kalahok ang kanilang brigade sa dalawang aktibidad ng Balikatan. Isa na rito ang Maritime Key Train Security Operation na ginaganap ngayon sa Batanes Island. Sa pamamagitan nito ay matututunan ng mga contingence ang pagdepensa sa mahahalagang isla at baybaying sakop ng bansa, maging sa sea lines of communication (SLOC).
Maliban dito ay lalahukan din ng kanilang hanay ang Counter Live Firing Exercise na gaganapin sa Laoag, Ilocos Norte. Ito ay naka-sentro sa papigil sa mga sasakyang pandagat na mananakop sa bansa.
Paglilinaw ng opisyal na ang Balikatan ay taunang training na naglalayong mahasa ang interoperability ng bansa katuwang ang mga allied counterparts, hindi dahil mayroong inaasahang giyera.
Mayroon ding isho-showcase na mga kagamitang pandigma ang mga kalahok na bansa na maaaring bilhin ng Pilipinas para sa pagdepensa ng soberanya.











