--Ads--

Nilahukan ng iba’t ibang manlalaro mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon ang isinagawang National Darts Tournament sa Santiago City bilang bahagi ng pagdiriwang ng Balamban Dance Festival 2026.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Joel Reconsal, Presidente ng Santiago City Darters Association, sinabi nito na lumahok ang mga darters mula sa mga lugar tulad ng Baguio, Benguet, Cavite, Maynila, Bayombong, at iba’t ibang bayan sa Isabela, na nagpapakita ng malawak na partisipasyon mula sa rehiyon.

‎Ayon kay Engr. Reconsal, isinagawa ang torneo sa loob ng dalawang araw kung saan tampok ang anim na magkakaibang event na sinusubok ang husay, pokus, at precision ng bawat kalahok sa larangan ng darts, isang larong nangangailangan ng matinding konsentrasyon at eksaktong pagtutok sa target.
‎Darts
‎Dagdag pa niya, umabot sa kabuuang ₱250,000 ang inilaan na cash prize para sa mga mananalo sa iba’t ibang kategorya, na layong higit pang mahikayat ang partisipasyon ng mga manlalaro at mapaangat ang antas ng darts bilang isang kompetitibong isport sa rehiyon.‎

‎Bahagi rin ng layunin ng naturang aktibidad ang palakasin ang sports tourism sa lungsod ng Santiago at magbigay ng dagdag na atraksyon sa mga bumibisita kasabay ng selebrasyon ng Balamban Dance Festival 2026.