--Ads--

Nagsagawa ng libreng kapon o neutering ang City Veterinary Office bilang bahagi ng kanilang regular na programa at kaugnay na rin ng selebrasyon ng Balamban Dance Festival 2026 upang makontrol ang dumaraming populasyon ng aso at pusa sa lungsod ng Santiago.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Myra Grace Pascual, Officer-in-Charge ng City Veterinary Office, sinabi nito na layunin ng programa na mabawasan ang bilang ng mga napapabayaang hayop at mapigilan ang pagdami ng mga asong gala sa mga lansangan.

Ayon kay Dr. Pascual, isinasagawa ang libreng kapon dalawang beses kada taon at inaanyayahan ang publiko na makiisa at abangan ang mga susunod pang schedule ng aktibidad.

Target ng kanilang tanggapan na makapon ang humigit-kumulang 1,000 aso at pusa sa loob ng tatlong araw, kung saan tinatayang 200 hanggang 300 hayop ang naseserbisiyuhan kada araw.

--Ads--

Binigyang-diin ng opisyal na malaki ang maitutulong ng programa sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa komunidad, gayundin sa pagbawas ng bilang ng mga hayop na pakalat-kalat sa kalsada, lalo na ang mga lalaking aso.

Patuloy naman ang panawagan ng City Veterinary Office sa mga pet owners na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga alagang hayop.