Patay ang 14 katao at sugatan ang hindi bababa sa 38 matapos ang isang pambobomba sa highway sa timog-kanlurang bahagi ng Colombia nitong Sabado. Ang insidente ay naganap sa Cauca department, isang rehiyon na kilala sa pagtatanim ng coca at matagal nang apektado ng armadong tunggalian.
Ayon sa mga awtoridad, ang pag-atake ay isinisi sa mga dating kasapi ng FARC guerrilla army na hindi sumama sa kasunduang pangkapayapaan at patuloy na nagdudulot ng karahasan sa bansa.
Sa kanyang pahayag sa social media platform na X, sinabi ni Pangulong Gustavo Petro ang nasa likod ng pag atake ay mga terorista, fascist at drug traffickers.
Ang insidente ay isa sa serye ng mga karahasan na nagaganap habang papalapit ang halalan sa pagkapangulo sa susunod na buwan, na muling nagpapakita ng matinding hamon sa seguridad ng bansa.









