--Ads--

Hindi bababa sa 20 katao ang nasawi matapos yanigin ng malakas na magnitude 7.4 na lindol ang kanlurang bahagi ng Colombia nitong Lunes, na nagdulot ng pagguho ng mga gusali at pagkakaipit ng maraming residente sa ilalim ng mga debris.

Ayon sa mga awtoridad, 18 katao ang nasawi sa lungsod ng Pereira, isang pangunahing sentro ng industriya ng kape sa bansa, habang dalawa pa ang nasawi sa bayan ng Manizales.

Sa lungsod naman ng Cali, isa sa pinakamalaking siyudad sa Colombia, iniulat ni Mayor Alejandro Eder na hindi bababa sa 20 istruktura ang gumuho at may mga residente pang naipit sa mga guho.

Humingi na ang pamahalaang lokal ng Cali ng tulong mula sa mga disaster response team ng Bogota at Medellin upang mapalakas ang search and rescue operations.

--Ads--

Naitala ang sentro ng lindol malapit sa San José del Palmar sa lalawigan ng Chocó sa baybayin ng Pasipiko ng Colombia.

Iniulat din ni Chocó Governor Nubia Carolina Córdoba na may mga nasugatan at malaking pinsala sa lungsod ng Quibdó, habang nagbabala siya sa posibilidad ng mga kasunod na pagyanig o aftershocks.

Dahil sa insidente, pansamantalang sinuspinde ang operasyon sa mga paliparan sa Pereira, Manizales, Quibdó, Armenia, Cartago at Buenaventura habang sinusuri ng mga eksperto ang posibleng pinsala sa mga pasilidad.

Ayon sa Colombian Geological Service, itinaas sa magnitude 7.4 ang lakas ng lindol na tumama sa lalim na 96 kilometro.

Patuloy pa ring tinataya ng mga awtoridad ang kabuuang lawak ng pinsala habang nagpapatuloy ang paghahanap at pagsagip sa mga posibleng na-trap sa mga gumuhong gusali.