Umabot na sa 132 ang nasawi habang 570 naman ang nasugatan matapos tumama ang magnitude 7.4 na lindol sa kanlurang bahagi ng Colombia, ayon sa Colombian Association of Capital Cities.
Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad upang mailigtas ang mga naipit sa ilalim ng mga gumuhong gusali. Kabilang sa mga napinsala ang pediatric at neonatal sections ng isang ospital sa lungsod ng Cali.
Dahil sa lawak ng pinsala, nagdeklara na ang pamahalaan ng Colombia ng national disaster at nagpadala ng mga sundalo sa mga apektadong lugar upang tumulong sa mga operasyon.
Naitala ang sentro ng lindol sa San José del Palmar, isang liblib na lugar sa kanlurang Colombia, may humigit-kumulang 240 kilometro sa kanluran ng kabiserang Bogotá. Naramdaman din ang malakas na pagyanig sa Bogotá, dahilan upang tumunog ang mga emergency alarm at lumikas ang mga residente bilang pag-iingat.











