Kinumpirma ng Malacañang na batid ng France ang kaso ng pagtakas ni dating mambabatas Zaldy Co at ang kanyang posibleng pananagutan sa Pilipinas.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, tinalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sitwasyon ni Co sa pakikipagpulong sa French Ambassador, kung saan kinilala ng panig ng France na si Co ay isang fugitive na dapat humarap sa mga kaso sa bansa.
Sinabi rin ng Palasyo na hindi makapagbibigay ng detalye ang France hinggil sa asylum application ni Co hangga’t wala itong pahintulot, ngunit tiniyak na nauunawaan ng mga ito ang isyu ng pananagutan.
Patuloy namang iginiit ng pamahalaan na gagamitin nito ang legal at diplomatic na paraan upang maibalik si Co sa Pilipinas upang harapin ang mga kasong graft at malversation laban sa kanya.










