Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang pamunuan ng barangay Sta. Jacinta, Palanan, Isabela upang madinig ang kanilang hinaing hinggil sa hindi pa naibibigay na forward truck sa lahat ng mga barangay sa kanilang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Alexander Magas, sinabi niya na nauna siyang sumulat sa tanggapan ng Punong Lalawigan ng Isabela noong Nobyembre 2025 subalit hanggang ngayon ay wala pa siyang natatanggap na feedback hinggil sa naturang hinaing.
Aniya, malaking tulong sana ang naturwang truck para sa bawat barangay sa lalawigan kaya naman nais din nilang makatanggap nito dahil ang Palanan lamang umano ang katangi-tanging bayan sa lalawigan na hindi nakatanggap nito.
Ito ay gagamitin sana ng mga magsasaka sa kanilang bayan para sa paghahakot ng kanilang mga ani lalo na at wala ni isang sasakyan na nagagamit sa ngayon para sa kanilang aning mais at palay.
Nanawagan naman siya kay Isabela Governor Rodito Albano III na mabigyan din sila ng truck na magiging malaking tulong sa kanilang mga kababayan.
Iginiit naman ng Liga ng mga Barangay na nagkaroon ng kasunduan ang mga myembro na mananatili sa local government unit ang mga sasakyan dahil posibleng mahirapan ang mga barangay sa maintenance at gas nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LMB President Angelina Bernardo ng Palanan Isabela, sinabi niya na kung kakailanganin nila ay pwede naman nilang ipull-out ang mga ito para magamit sa barangay.
Posible aniyang hindi na ito alam ni Kapitan Magas dahil wala ito lagi sa Palanan at hindi rin ito umaattend ng regular session ng Liga ng mga Barangay na naging dahilan din kung bakit ito nasuspinde bilang kapitan.
Giit niya na recorded naman ang naging kasunduan nilang hindi pagturn-over sa mga barangay ng naturang mga sasakyan.
Aniya walang problema sa mga ibinigay na sasakyan ng pamahalaang panlalawigan at malaki ang kanilang pasasalamat dahil malaki ang tulong nito sa mga residente.
Samantala, paiimbestigahan ng Pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapamahagi sa Palanan ang mga trucks na nakalaan para sa mga barangay nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na ngayon lamang nakarating sa kaniya ang isyung ito dahil batay sa kaniyang pagkaaalam ay naibiyahe na lahat ng trucks para sa mga coastal towns ng Isabela kabilang na ang Palanan dahil ang mga ito ang pangunahing nangangailangan ng transport vehicle para sa kanilang mga ani.
Nilinaw ng Gobernador na ang mga ipinapamahaging trucks ay para sa taumbayan at hindi dapat ginagamit pampersonal ng mga barangay officials. Kakasuhan umano niya ang mga mapatutunayang lalabag dito. Hinikayat naman niya ang mga Isabeleño na agad iparating sa kaniya ang iba pang mga isyu na kinakaharap sa kanilang bayan upang agad na matugunan.











