--Ads--

Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dahilan kung bakit hindi naisama sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang ilang mahahalagang usapin, kabilang ang wage hike, Anti-Political Dynasty Bill, at iba pang pambansang isyu.

Sa vlog na inilabas sa kanyang opisyal na Facebook page nitong Sabado, Agosto 8, sinabi ng Pangulo na kinailangan niyang magbawas ng mga paksa upang hindi maging masyadong mahaba ang kanyang talumpati noong Hulyo 27.

Ayon kay Marcos, hindi nangangahulugang hindi mahalaga ang mga isyung hindi niya nabanggit sa kanyang ulat sa bayan. Aniya, maaari pa itong matalakay sa mga susunod na pagkakataon, kabilang ang kanyang susunod na SONA sa 2027.

Inamin din ng Pangulo na nagkaroon ng ilang pagbabago sa kanyang talumpati habang ito ay kanyang binibigkas upang mas maging malinaw, direkta, at madaling maunawaan ng publiko ang kanyang mensahe.

--Ads--

Matatandaang tumagal ng isang oras at dalawampu’t limang minuto ang ikalimang SONA ni Marcos, dahilan upang kailanganing bawasan ang ilang bahagi ng kanyang talumpati para sa konsiderasyon ng oras.

Kabilang sa mga isyung hindi nabigyang-diin o hindi naisama sa kanyang talumpati ang panukalang batas para sa pangkalahatang umento sa sahod ng mga manggagawa.

Hindi rin nabanggit ang Anti-Political Dynasty Bill, kahit na naipasa na ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Bukod dito, hindi rin natalakay sa SONA ang ilang usapin kaugnay ng karapatang pantao at ang isyu ng International Criminal Court o ICC.