Nakilala na ng mga otoridad ang mga suspek na sangkot sa panghoholdap sa isang mag-asawa sa Brgy. Calaocan, Santiago City, at kasalukuyan nang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga ito.
Batay sa ulat ng pulisya, isang concerned citizen ang lumapit sa mga nagpapatrolyang pulis upang ireport ang naganap na holdap sa nasabing barangay.
Agad namang rumesponde ang mga otoridad at nagsagawa ng paunang imbestigasyon.
Sa kanilang pagsisiyasat, napag-alaman na hinarang ng dalawang suspek ang mag-asawa habang papauwi ang mga ito sakay ng isang tricycle.
Ang mga suspek ay nakasuot ng itim na t-shirt, itim na shorts, at itim na helmet, at sakay ng isang itim na motorsiklo na walang plaka.
Tinangay ng mga suspek ang bag ng mga biktima na naglalaman ng tinatayang P800,000 na halaga ng mga alahas, P280,000 na cash, dalawang Android cell phone, isang keypad phone, at iba pang personal na gamit, kabilang ang susi ng kanilang tricycle.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungong timog na direksyon, partikular sa bahagi ng Baluarte-Quirino Road.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumalabas na posibleng minanmanan ng mga suspek ang aktibidad ng mga biktima na nagba-buy-and-sell ng alahas, dahilan upang sila ay targetin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Jonathaniel Esteban, hepe ng Police Station 1, sinabi nitong nakilala na ang mga suspek at kasalukuyan nang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga ito.
Dagdag pa ng opisyal, nagpapatuloy ang follow-up investigation kabilang ang pag-backtrack sa CCTV footage at pagsasagawa ng hot pursuit operations upang agad na matukoy at maaresto ang mga suspek.











