--Ads--

Hindi bababa sa limang katao ang iniulat na inaresto habang dalawa naman ang nasugatan sa naganap na tensyon sa pagitan ng mga raliyista at pulisya sa Maynila kasabay ng pagsisimula ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong Nobyembre 15.

Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga raliyista at mga pulis sa Liwasang Bonifacio habang tinatangka ng mga demonstrador na magmartsa patungong Pasay City upang magsagawa ng protesta malapit sa lugar ng ASEAN Summit.

Dalawa ang iniulat na nasugatan sa naganap na komosyon. Isa sa mga ito ang nagsabing hinampas umano siya ng isang pulis gamit ang riot shield sa kaniyang ulo.

Nauna nang hinarang ng mga pulis ang mga raliyista na naglalayong magtungo sa Philippine International Convention Center (PICC), kung saan ginaganap ang international gathering.

--Ads--

Matatandaang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na maaari lamang magsagawa ng mga kilos-protesta ang mga grupo sa mga itinalagang freedom park.

Samantala, inakusahan naman ng mga raliyista ang pulisya na sinadyang lagyan ng pako ang gulong ng truck na gagamitin sana nilang entablado para sa kanilang protesta sa PICC.

Iginiit ng iba’t ibang grupo na layunin nilang magmartsa patungo sa CCP Complex upang magsagawa ng mapayapang kilos-protesta kasabay ng ASEAN Summit.