Nakatakdang magsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ngayong Mayo 7 ng ‘Unity Ride’ at Road Safety Summit bilang bahagi ng kampanya laban sa pagtaas ng bilang ng aksidente sa lansangan sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kim Agbayani, Public Safety Officer ng Isabela, aabot sa 24 kilometro ang ruta ng Unity Ride na magsisimula sa Isabela Park, dadaan sa ilang bahagi ng City of Ilagan, at magtatapos sa Capitol Compound. Lalahukan ito ng hindi bababa sa 14 rider groups at mahigit 200 kalahok mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, paaralan, at organisasyon.
Mahigpit na ipatutupad ang “no helmet, no gears, no ride” policy upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok. May nakaantabay ding mga pulis, traffic marshals, at iba pang law enforcement units para sa seguridad ng aktibidad.
Layunin ng programa na palakasin ang kamalayan ng publiko sa responsableng pagmamaneho at road safety.
Ibinunyag din ni Agbayani na tumaas ang bilang ng vehicular accidents sa unang bahagi ng 2026 kumpara noong nakaraang taon. Mula sa 790 na naitalang insidente noong nakaraang taon, mahigit 200 kaso na ang naitala sa unang quarter pa lamang, na may average na 15 aksidente kada linggo.
Umaasa ang pamahalaang panlalawigan na sa pamamagitan ng Unity Ride at Road Safety Summit ay mas mapapalawak ang kaalaman ng mga motorista at pedestrian upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan sa kalsada.






