--Ads--

Isinagawa ngayong araw sa lungsod ng Ilagan ang isang road safety seminar at Unity Ride bilang bahagi ng pagpapalakas ng road safety awareness at pagsusulong ng responsableng pagmamaneho sa mga lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jerico Pereña, Training, Planning and Research Section Chief ng Public Safety Office, sinabi niya na mahalaga ang pagsasagawa ng mga ganitong uri ng seminar upang mas mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa tamang asal at disiplina sa kalsada.

Aniya, sa pamamagitan ng seminar ay mas nahuhubog ang kaalaman ng mga drivers at riders hinggil sa tamang pagmamaneho, pagsunod sa batas trapiko at pag-iwas sa mga aksidente.

Kasabay rin ng aktibidad ang isinagawang unity ride na may layuning palakasin ang kampanya para sa road safety sa lalawigan.

--Ads--

Ayon kay Pereña, aabot sa 24 kilometers ang kabuuang ruta ng unity ride na iikot sa ilang pangunahing lansangan ng lungsod bago magtapos sa Queen Isabella Park.

Sinabi rin nito na unang pagkakataon na magkakaroon ng ganitong klase ng unity ride sa pakikipagtulungan ng Public Safety Office, Integrated Provincial Health Office at Provincial Youth Development Office.

Binigyang-diin pa ni Pereña na napakahalaga ng aktibidad lalo na para sa mga kabataang riders dahil sila umano ang magiging road safety ambassadors na magpapalaganap ng tamang kaalaman sa kani-kanilang komunidad.

Nanawagan naman ito sa lahat ng motorista na pairalin ang disiplina, road courtesy at responsableng pagmamaneho upang maiwasan ang aksidente sa lansangan.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang riders associations na dumalo sa seminar at binigyang-diin ang kahalagahan ng road safety education lalo na sa panahon ngayon na patuloy ang naitatalang aksidente sa kalsada.

Ayon sa mga riders, malaking tulong ang ganitong programa upang maituro ang tamang paggamit ng protective gears, disiplina sa pagmamaneho at pagrespeto sa kapwa motorista at pedestrian.

Kabilang sa mga ahensyang nakiisa sa aktibidad ang Highway Patrol Group, Philippine National Police, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Land Transportation Office.

Pinangunahan naman ng Provincial Government of Isabela ang nasabing aktibidad na natapos kaninang alas-3 ng hapon.