Kasalukuyang isinasagawa ng Department of Agriculture at Cauayan City Council, sa pangunguna ng Committee on Agriculture, ang masusing beripikasyon sa mga sakahan at magsasakang kwalipikadong makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ito ay kaugnay ng pangako ng pamahalaan na magbigay ng tulong pinansyal sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng matinding tagtuyot na nakaapekto sa ani at kabuhayan sa ilang barangay ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega, Chairman ng Committee on Agriculture, sinabi niya na matapos makatanggap ng mga reklamo kaugnay sa listahan ng mga benepisyaryo ng ₱10,000 na ayuda, agad na nagsagawa ng committee hearing ang pamahalaang lungsod upang suriin ang isyu.
Kasunod nito, nagsagawa rin ang komite ng field verification sa iba’t ibang barangay kasama ang DA upang personal na beripikahin ang kalagayan ng mga magsasaka. Layunin nitong matukoy kung sino ang tunay na naapektuhan ng drought, kabilang ang mga hindi nakalista ngunit nangangailangan pa rin ng tulong.
Ayon kay Arcega, mahalaga ang proseso ng validation upang matiyak ang patas at tama na pamamahagi ng ayuda at maiwasan ang mga hindi awtorisadong benepisyaryo.
Nanawagan naman siya sa mga magsasaka na hintayin lamang ang magiging resulta ng isinasagawa nilang beripikasyon para sa susunod na hakbang para sa pamamahagi ng ayuda.











