Pinuna ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang hindi bababa sa P241 bilyong fragmented ayuda at libu-libong multi-purpose buildings (MPB) sa panukalang 2027 national budget, na tinawag niyang patronage o “papogi” spending sa halip na produktibong pamumuhunan.
Sa kanyang post sa X nitong Linggo, sinabi ni Lacson na bumaba na sa P241 bilyon ang nakalaang ayuda sa bersiyon ng Senado mula sa P263 bilyon sa bersiyon ng Kamara.
Kinuwestiyon din niya ang pondo para sa 3,950 MPB, bukod pa sa 1,584 gusaling saklaw ng Local Government Support Fund mula 2022 hanggang 2026.
Ayon sa senador, may ilang proyekto na nakatanggap na ng pondo noong 2024, 2025 at 2026 ngunit hindi pa rin naitatayo. Mayroon pa umanong mga proyektong nakaranas ng doble, triple at maging quadruple appropriations.
Dahil dito, iginiit ni Lacson na dapat baguhin ang prayoridad sa 2027 budget at ituon ang pondo sa mga produktibong gastusin na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Kinuwestiyon din niya ang paglalaan ng pondo sa mga programang MAIFIP, TUPAD at AICS, gayundin sa Tulong Dunong. Iminungkahi niyang ilipat ang pondo ng huli sa Tertiary Education Subsidy na pinangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED).
Samantala, nais din niyang idaan sa Universal Health Care program ang pondo para sa tulong medikal upang matiyak na maayos itong napupunta sa mga higit na nangangailangan.











