--Ads--

Mahigit 600 magsasaka sa Cauayan City ang nakatanggap ng mahigit ₱5,000 na pinansyal na ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) Program.

Kabilang sa mga benepisyaryo si Ginoong Felicisino Paggao, isang magsasaka mula sa District 1 ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Paggao, sinabi nitong ikalawang pagkakataon na niyang nakatanggap ng naturang ayuda mula sa DSWD.

Ayon sa kanya, malaking tulong ang pinansyal na assistance dahil nagagamit niya ito sa pagbili ng abono at mga gamot na kailangan sa kaniyang tatlong ektaryang sinasaka upang mapanatili ang produksyon at matiyak ang maayos na ani.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Paggao na labis na naapektuhan ang kaniyang kabuhayan ng El Niño phenomenon dahil sa pagbaba ng kita bunsod ng pinsala sa kanilang mga pananim.

Dahil dito, nagpahayag siya ng pasasalamat sa patuloy na tulong ng pamahalaan na nagsisilbing karagdagang puhunan at suporta sa kanilang pangangailangan bilang mga magsasaka.