Inamin ng Department of Agriculture (DA) na may maling coordinates ang walong farm-to-market road (FMR) projects na kabilang sa kanilang panukalang 2027 budget dahil umano sa pagkakamali sa encoding at geotagging.
Inihayag ito ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food hinggil sa paghahanda ng pamahalaan sa epekto ng El Niño.
Ayon kay Manalo, kabilang ang walong proyekto sa kabuuang 1,669 FMR projects sa buong bansa na nakapaloob sa panukalang budget ng ahensya sa ilalim ng National Expenditure Program o NEP.
Nilinaw din niyang hindi kabilang ang mga ito sa mga farm-to-market road projects na umano’y ipinasok o isinama ng mga mambabatas sa panukalang pambansang budget.
Nauna rito, kinuwestiyon ng People’s Budget Coalition ang lokasyon at transparency ng ilang FMR projects matapos matukoy na may mga project coordinates na tumuturo sa mga anyong-tubig, kabilang ang Celebes Sea at Philippine Rise.
Dahil dito, hinimok ni Camarines Sur 4th District Representative Arnie Fuentebella ang DA na kilalanin at itama ang mga pagkakamali habang pinagdedebatehan pa sa Senado ang panukalang pambansang budget.
Ayon kay Fuentebella, maaari pang maisagawa ang mga kinakailangang pagwawasto sa mga naturang proyekto.











