Hindi ito COVID-19, ngunit nagdulot ng pangamba sa international health community ang outbreak ng bihirang Andes hantavirus sa Dutch cruise ship na MV Hondius matapos walong katao ang mahawahan at tatlo ang nasawi.
Kinumpirma ng World Health Organization na ang sangkot na virus ay ang bihirang Andes virus, isang uri ng hantavirus na maaaring maipasa mula tao sa tao, ngunit nilinaw ng ahensya na mababa ang panganib nito sa pandaigdigang kalusugan at hindi ito maituturing na panibagong pandemya tulad ng COVID-19.
Ayon sa WHO, ang Andes virus ay karaniwang nagmumula sa exposure sa infected rodents, ngunit maaari rin itong kumalat sa pamamagitan ng close at prolonged contact sa mga infected na indibidwal, partikular sa loob ng tahanan o sa mga healthcare setting.
Lumabas sa imbestigasyon na ang unang dalawang kaso ay naglakbay sa Argentina, Chile, at Uruguay bago sumakay sa cruise, kung saan posibleng doon sila na-expose sa virus.
Patuloy namang naka-quarantine ang mga pasahero at crew habang patungo ang barko sa Canary Islands, kung saan isasagawa ang ligtas na pagbaba ng mga sakay sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng international health experts.
Nakikipag-ugnayan na rin ang WHO sa mga bansang pinanggalingan ng mga pasaherong bumaba sa iba’t ibang destinasyon upang masubaybayan ang posibleng pagkalat ng virus.
Bagamat seryoso ang insidente, tiniyak ng WHO na hindi inaasahang hahantong ito sa malawakang outbreak dahil sa kasalukuyang containment measures at mas pinahusay na global surveillance systems.





