Arestado ang isang tsuper matapos habulin ng mga kapulisan dahil sa umano’y pagpapaputok ng baril sa bahagi ng Sinippil, Reina Mercedes, Isabela at kalauna’y naaresto sa barangay Napaccu Grande.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Danilo Malab, Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, sinabi nito na nagsasagawa ng surveillance operation ang kanilang intelligence operatives nang mamataan nila ang suspek na si alyas “Jabi,” 60-anyos, residente ng Nagrumbuan, Cauayan City na dalawang beses umanong nagpapaputok ng baril.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng kaniyang tricycle patungong timog na direksyon, dahilan upang agad magsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis na nagresulta sa kaniyang pagkakaaresto.
Ayon pa kay PMaj. Malab, hindi na nanlaban ang suspect nang arestuhin ito dahil nakahawak umano ito sa manibela ng kaniyang motorsiklo at wala nang pagkakataong makabunot ng baril.
Sa isinagawang body search, narekober mula sa kaniyang bewang ang isang caliber .38 revolver na may apat na live ammunition at dalawang basyo ng bala. Nabigo rin umano ang suspect na magpakita ng anumang dokumento kaugnay sa legalidad ng naturang baril.
Bukod dito, nakumpiska rin mula sa kaniyang belt bag ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, isang marked ₱500 bill, belt bag, at ang kaniyang tricycle.
Nahaharap ngayon ang suspect sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Section 11 ng Republic Act 9165.











