--Ads--

Arestado ang isang 19-anyos na magsasaka matapos umanong manggulo at magdulot ng alarma sa publiko habang armado ng baril sa Barangay Bolinao, Aurora, Isabela.

Batay sa ulat ng Aurora Municipal Police Station, bandang alas-2:00 ng madaling araw nitong Setyembre 25 nang makatanggap sila ng sumbong mula sa isang barangay councilor hinggil sa isang indibidwal na gumagawa umano ng kaguluhan sa kahabaan ng barangay road.

Agad namang nagtungo sa lugar ang mga responding police personnel upang beripikahin ang ulat at doon naabutan ang suspek na umano’y nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin, sumisigaw at nagdudulot ng kaguluhan.

Sinubukan umano ng mga pulis na pakalmahin ang suspek ngunit hindi ito sumunod.

--Ads--

Habang inaawat ang suspek, napansin ng mga responding personnel ang isang baril na nakausli sa kanyang baywang dahilan upang agad siyang mapasuko at ma-secure.

Nakuha mula sa kanyang direktang pag-iingat ang isang kalibre .38 revolver na may tatlong bala.

Nang hingan ng kaukulang dokumento para sa legal na pagmamay-ari ng baril, hindi umano ito nakapagpakita ng anumang awtorisasyon kaya siya ay inaresto.

Kinilala ang suspek sa alyas “Coco”, 19-anyos, magsasaka at residente ng Barangay Camarunggayan, Aurora, Isabela.

Sa isinagawang paghahalughog, nakumpiska rin mula sa suspek ang apat na heat-sealed sachets na naglalaman umano ng pinaghihinalaang marijuana.

Isinagawa naman ang marking, inventory at pagkuha ng litrato sa lugar ng pag-aresto sa presensya ng suspek at mga insulating witness, alinsunod sa itinakdang proseso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inamyendahan ng Republic Act No. 10640.

Nasa kustodiya na ng Aurora MPS ang suspek at inihahanda ang kaukulang dokumentasyon para sa pagsasampa ng mga kasong maaaring kaharapin nito.