--Ads--

Arestado ang isa sa apat na umano’y pangunahing tulak ng ilegal na droga sa Alicia, Isabela, sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya at PDEA Region 2 nitong Lunes ng hapon, Oktubre 12.

Kinilala ang suspek na si alyas Roy, 33-anyos, na inaming halos isang taon nang gumagamit ng ilegal na droga at tatlong buwan nang nagbebenta nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek, sinabi nitong mula pa sa Maynila ang supply ng drogang kanilang ipinapakalat sa lalawigan.

Nahuli ang suspek matapos magbenta ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer sa Barangay Del Pilar.

--Ads--

Narekober din sa kanya ang buy-bust money, cellphone, sling bag at motorsiklong ginamit sa operasyon.

Samantala, ayon kay PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Alicia Municipal Police Station, sinabi niyang mas paiigtingin pa nila ang kanilang mga operasyon upang matukoy at mahuli ang iba pang sangkot sa ilegal na bentahan ng droga sa bayan.

Patuloy naman ang imbestigasyon at manhunt operation ng mga awtoridad laban sa tatlo pang umano’y kasamahan ng suspek.