Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang kalibre .45 na baril mula sa isang 15-anyos na estudyante sa loob ng isang paaralan sa Catarman, Northern Samar.
Ayon sa Eastern Visayas Police, nabunyag ang insidente matapos ipaalam ng isa pang mag-aaral sa kanilang guro na umano’y may dalang baril ang menor de edad sa kanilang silid-aralan sa Barangay Dalakit nitong Huwebes.
Agad na pinabuksan ng guro ang bag ng estudyante kung saan nadiskubre ang baril. Kaagad namang iniulat ng guro ang insidente sa school head na siyang nakipag-ugnayan sa Catarman Municipal Police Station.
Narekober ng mga pulis mula sa estudyante ang isang kalibre .45 na pistola na walang serial number, apat na magazine at sampung bala.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Analiza Catilogo-Armeza, tagapagsalita ng Police Regional Office 8, sinabi umano ng estudyante na wala siyang planong barilin o saktan ang sinuman at dinala lamang niya ang baril sa paaralan.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng armas dahil natuklasang binura ang serial number nito. Hinihinala ring maaaring kabilang ito sa mga loose firearm o hindi rehistradong baril.
Sinabi ng menor de edad na pagmamay-ari umano ng kanyang ama ang naturang baril kaya nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Regional Civil Security Unit para sa beripikasyon at posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.
Samantala, tinulungan ng Women and Children Protection Desk ang menor de edad bago ito isinailalim sa pagsusuri at kaukulang interbensyon ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Kasunod ng insidente, nakipagpulong ang pulisya sa mga opisyal ng paaralan upang talakayin ang pagpapalakas ng seguridad sa loob ng campus at alamin kung may pagkukulang sa mga umiiral na hakbang sa seguridad na nagbigay-daan upang maipasok ang baril sa paaralan.
Binigyang-diin naman ni Police Regional Office 8 Director PBGen Romano Cardiño na patuloy nilang palalakasin ang pakikipagtulungan sa mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa pag-aaral sa buong Eastern Visayas.











