--Ads--

Ipinagmalaki ng Isabela State University (ISU) ang pagkakaroon ng maraming topnotchers at mataas na passing percentage sa March 2026 Licensure Examination for Professional Teachers (LET).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Boyet Batang, President ng ISU, sinabi nito na ikinagagalak ng buong ISU System ang naging resulta ng pagsusulit lalo na’t maraming nagtapos mula sa iba’t ibang campus ang nakapasok sa Top 10.

Ayon kay Dr. Batang, kabilang sa mga nagtala ng mataas na ranggo ang mga examinees mula sa ISU Cauayan, ISU Echague, ISU Jones, at ISU Cabagan sa elementary at secondary level.

Sinabi nito na umabot sa 91 hanggang 100 porsyento ang passing percentage ng mga campus ng ISU na kumuha ng LET na mas mataas umano kumpara sa national passing rate.

--Ads--

Ayon pa kay Dr. Batang, bunga ito ng mahigpit na admission at retention policy ng College of Education ng unibersidad upang matiyak na handa at kwalipikado ang mga estudyanteng pumapasok sa teacher education programs.

Dagdag pa nito na malaking tulong din ang coaching at mentoring programs na ipinatutupad ng mga campus upang maihanda nang maayos ang mga estudyante sa board examination.

Ipinaliwanag din ni Dr. Batang na nakatuon ang kanilang curriculum at teaching strategies sa general education, professional education, specialization, at mga makabagong teaching methodologies upang mas maging handa ang mga future educators.

Binigyang-diin pa nito na patuloy na sinusunod ng ISU ang mga bagong pamantayan ng Department of Education at iba pang teacher education institutions upang manatiling updated ang kalidad ng pagtuturo sa unibersidad.

Ayon kay Dr. Batang, malaking bagay ang naturang achievement upang higit pang mapalakas ang reputasyon ng ISU bilang isa sa mga nangungunang teacher education institutions hindi lamang sa Region 2 kundi maging sa buong bansa.

Samantala, nagpaabot naman ng pagbati ang pamunuan ng unibersidad sa lahat ng mga nakapasa sa LET at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang misyong makapaghatid ng dekalidad na edukasyon at maging inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon ng mga guro.